nung ako’y bata pa
sa tuwing pumapasyal ang pamilya,
lagi akong nakapulupot
sa ang aking tatay…
mautak din ako e,
kasi siya ang mas mapera kesa kay nanay.
saka kay nanay, ang daming bawal!
bawal ang chippy (kasi junk food daw yun)
pag tinatanong ko naman ano ung junk food,
pagkain na gawa daw sa basura.
kaya tuloy buong childhood ko,
akala ko na ung chippy ay literal na gawa sa basura!
bawal ang baloon,
kasi lason daw ung madikit na kemikal doon sa lobo.
bawal ang sopisdrink
kasi magiging dabyana daw kami.
(di pa kasi uso ung salitang obese noon e)
e lahat ng iyon ay makikita mo sa luneta
at sa manila zoo
na lagi naming pasyalang buong pamilya.
pero pag si tatay ang kasama ko…
aba ibang usapan na yan!
galante si tatay e.
kahit anong ituro ko bibilhin niya…
pero siyempre di dapat makita ni nanay…
munting sikret namin yan ni tatay
pag kami ay pumapasyal.
nung magdalaga naman ako,
mahilig pa ring pumasyal ang pamilya…
siyempre kay tatay pa rin ako nakapulupot…
kasi sa mall na ang hang-out namin e…
mas maraming ituturo…
mas maraming choices!
ganun pa rin…
si tatay, ok lang sa kaniya na naka shorts ako,
ganda kasi ng legs ko e!
ika nga ni tatay,
“if you have it, flaunt it!”
aba ayaw ni nanay!
pag magpapabili naman ako ng mga bestida,
kailangang inspeksyunin pa ni nanay…
pag sobrang mataas sa tuhod,
bawal!
ito pa,
pag may napili akong blusa na walang manggas,
bawal!
wag niyo namang isipin na
istrikto si nanay.
siya ang sinasabihan ko ng mga sikreto ko…
ng mga crush ko…
ng mga problema ko.
at nang ako ay nililigawan na,
siya ang kasundo ng mga manliligaw ko…
(nagseselos kasi si tatay sa kanila e)
si nanay ang kakwentuhan…
sila ang drayber ni nanay!
pinagdadrayb nila si nanay kung may pupuntahan ito.
siya rin ang tagapayo ko
pag dating sa pakikipag nobyo.
cool talaga si nanay!
bakit ko ba naikwento ito?
kahapon kasi umuwi ako sa bahay nila tatay…
biglaan…
kinailangan ko kasi ng matalinong payo…
ng yakap ng magulang…
ng tapik sa balikat.
biruin niyong sa edad kong mahigit na trenta,
kay tatay at nanay pa rin ang takbo ko…
iba talaga ang karanasan ng matanda…
matalino, lohikal, at laging tama!
ngayon di ko na kailangan
ng chippy, ng balloon at ng sopisdrink…
sapat na sa akin na laging may uuwiang
nanay at tatay,
sa tuwing kailangan ko ng mapagmahal na tagapayo.